September 2, 2026
FB_IMG_1788298004404

Photo Courtesy: Repetek

Ni Clea G. Cahayag

Regular na nagsasagawa ng monitoring ang Department of Agriculture (DA)- Palawan sa mga posibleng peste at sakit na maaaring makaapekto sa livestock industry.

Kasama sa mahigpit na binabantayan ng tanggapan ang registration renewal ng mga Animal Feed Establishments sa probinsya.

Sa isinagawang Kapihan sa SM ng Philippine Information Agency (PIA)- Palawan, sinabi ni OIC- Agriculture Program Coordinating Officer Eleanor N. Lotivo ng DA- Palawan, kabilang sa minomonitor ang mga animal feeds na pumapasok sa Palawan dahil maaari rin itong maging daan ng pagkalat ng mga peste.

Aniya, kinukunan ng sample ang mga feeds bilang bahagi ng proseso ng pagpaparehistro at pagsusuri sa mga produktong pumapasok sa lalawigan.

Kasama rin sa minomonitor ang mga handler, maging ang transport carrier na ginagamit sa paghahatid ng mga produkto.

“Kahit ‘yung mga feeds, minomonitor natin ‘yan. Kinukunan ng sample para maregister sila, ‘yung mga handler nito atsaka ‘yung mga transport carriers po natin. Kasi minsan doon sa mga feeds na pumapasok dito sa atin sa Palawan ay isa rin sa way na kumalat ang peste dito sa atin,” saad ni Lovito.

Aminado naman ang opisyal na malaking hamon umano ang pagbabantay sa lalawigan dahil sa dami ng mga entry point nito.

Dagdag pa rito, ang limitado nilang tauhan kaya humihingi ng suporta ang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang surveillance.

Ang Palawan ay nananatiling ligtas sa African Swine Fever (ASF) at Foot-and-Mouth Disease (FMD).

Binigyang-diin ni Lovito, napakahalaga na mapanatili ang naturang estado ng lalawigan dahil kabilang ito sa mga kwalipikadong makapag-suplay ng livestock sa ibang lugar at bansa.

“Yan po ang magandang balita sa atin at sana ma-maintain natin at kaya nga po ang ating mga regulatory division ay masigasig po silang nagmomonitor ng ating surveillance sa ating mga livestock,” aniya pa.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *