Shellfish ban pa rin sa Honda Bay at Puerto Princesa Bay dahil sa red tide
Ni Ferds Cuario
Nanatili ang shellfish ban sa Honda Bay at Puerto Princesa Bay matapos muling matukoy ang mataas na antas ng red tide toxins sa mga nasabing katubigan.
Batay sa Shellfish Bulletin No. 20, Series of 2026 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na inilabas noong Agosto 27, 2026, positibo pa rin sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o red tide toxins na lampas sa itinakdang regulatory limit ang mga nakolektang shellfish mula sa Honda Bay at Puerto Princesa Bay.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pangunguha o pag-aani, pagbebenta, pagbibiyahe at pagkain ng lahat ng uri ng shellfish at alamang (Acetes spp.) na nagmula sa mga lugar na apektado ng shellfish ban.
Nagpaalala ang Puerto Princesa City Agriculture Office sa publiko na huwag bumili, mangolekta o kumain ng shellfish na nagmula sa Honda Bay at Puerto Princesa Bay habang umiiral ang pagbabawal.
Samantala, ayon sa BFAR, ligtas kainin ang isda, pusit, hipon at alimango mula sa mga apektadong lugar basta’t sariwa, maayos na nahugasan at tinanggal ang mga lamang-loob gaya ng hasang at bituka bago lutuin.
Pinapayuhan ang mga residente, mangingisda, nagtitinda at mga mamimili na sumunod sa shellfish ban upang maiwasan ang pagkalason at iba pang panganib sa kalusugan.
Paalala: Kapag may shellfish ban, huwag manghuli, huwag bumili, huwag magbenta at higit sa lahat, huwag kumain.