September 2, 2026

Usok sa hangin o haze sa Palawan; PDRRMO, nagbabala sa publiko ng epekto nito at mga dapat gawin

0
FB_IMG_1788269374660

Photo Courtesy: Asian Scientist Magazine

Ni Albert Villamor Jr.

Noong Agosto 31, naglabas ng abiso ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) dahil sa nararanasang haze o usok sa hangin sa Palawan.

Ang Haze ay nagmula pa sa mga kagubatan at peatland ng Malaysia at Indonesia na nakarating na sa ilang bansa sa Southeast Asia kabilang ang Pilipinas.

Hindi na malusog ang hangin lalo na sa Puerto Princesa. Ayon sa DENR Environmental Management Bureau (EMB) MIMAROPA, ang air quality o kalidad ng hangin sa Puerto Princesa City ay hindi na malusog hingain o “Unhealthy” level, Setyembre 1.

Ang Haze ay isang kundisyon kung saan lumalabo ang hangin dahil sa usok at maliliit na dumi o particle na nakasuspinde sa atmospera. Maari itong makaapekto sa kalidad ng hangin at kalusugan, ayon sa PDRRMO.

Ang mga epekto ng haze ay: pagbaba ng visibility na maaring makaapekto sa biyahe sa kalsada, dagat, at himpapawid; mas mataas na posibilidad ng aksidente dahil sa mahinang visibility; posibleng pagkaantala o pagkansela ng mga panlabas na aktibidades katulad ng trabaho o klase, at iba pang aktibidad sa komunidad kapag hindi na maganda sa kalusugan ang kalidad ng hangin.

Ang mga epekto naman ng Haze sa kalusugan ay: pangangati ng mata, ilong, at lalamunan, Tuyong ubo at pananakit ng lalamunan; paglala ng asthma, bronchitis, allergic rhinitis, at iba pang problema sa paghinga; mas mataas na panganib ng pagkapagod o pagkapwersa ng puso at iba pang cardiovascular problems sa mga taong mas sensitibo; pananakit ng ulo, pangkalahatang hindi komportableng pakiramdam, at iba pang short-term na sintomas.

Anong ang dapat gawin habang may Haze ayon sa PDRRMO?

Iwasan ang matagal na paglabas o pananatili sa labas, lalo na para sa mga bata, nakatatanda, at may hika o sakit sa puso o baga; kung kinakailangang lumabas, magsuot ng maayos at angkop na facemask; panatilihing nakasara ang mga bintana at pinto kapag kapansin-pansin ang haze; iwasan muna ang mabibigat at matitinding aktibidad sa labas; magpakonsulta agad sa doktor o pinakamalapit na health facility kung makararanas ng hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, o lumalalang ubo.

Ayon din sa PDRRMO, dapat mag-ingat sa pagbiyahe dahil maaaring magkaroon ng mahinang visibility o mababang tanaw, partikular tuwing bukang-liwayway, gabi, at madaling-araw.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *