Huli sa manhunt at ilegal na sugal
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Naaresto ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ang apat na indibidwal, kabilang ang tatlong may kinakaharap na kaso, matapos isagawa ang magkakahiwalay na operasyon laban sa mga wanted persons at ilegal na sugal sa mga bayan ng Taytay, San Vicente, at Coron.
Unang nalambat sa operasyon sa Brgy. Banbanan, bayan ng Taytay, ang dalawang mangingisda, edad 49 at 43, sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Revised Forestry Code of the Philippines. Pinangunahan ng Taytay Municipal Police Station (MPS) ang operasyon katuwang ang Regional Mobile Force Battalion (RMFB), Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Coast Guard Intelligence Unit. May inirekomenda ang korte na piyansang P50,000 bawat isa.
Sinalakay naman ng mga awtoridad ang isang tupada sa Brgy. New Agutaya, San Vicente, Palawan, kung saan naaresto ang isang mangingisda. Nakumpiska ang apat na buhay na manok panabong, isang patay na manok, dalawang tari, higit P1,000 na pustahan, at iba pang gamit. Dalawang suspek ang nakatakas. Isasampa ang kasong paglabag sa Presidential Decree 1602, o illegal gambling prohibition.
Sa Coron naman, arestado ang isang construction worker dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Thier Children. Ang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 163, Coron, na may rekomendadong piyansa na P2,000.00.