Biyudang lola, hinoldap sa Rizal
Pag-aaring larawan: Palawan Provincial Police Office (PalPPO)
Retiradong guro ang biyudang lola na naiulat na hinoldap sa Barangay Punta Baja, Rizal, Palawan. Agad namang ikinasa ang masinsinang manhunt operation laban sa suspek.
Kinilala ng Rizal Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si alyas “Ben”, residente ng Barangay Punta Baja. Siya rin umano ang itinuturong suspek sa panghoholdap kamakailan sa Purok Malapandeg ng nasabing barangay.
Isang senior citizen na kinilalang si alyas “Naya,” 64-taong gulang, biyuda, at retiradong guro ang hinoldap sa Purok Malapandeg. Habang sakay ng e-bike ang biktima kasama ang mga kaibigan, biglang sumulpot ang suspek na may dalang patalim at sapilitang kinuha ang kanyang bag.
Ayon sa pulisya, naglalaman ang ninakaw na bag ng gintong pulseras na nagkakahalaga ng P50,000, kasama ang P2,000 cash, isang iPhone 13 Pro Max na may pink case na nagkakahalaga ng P45,000, mga ID, susi ng bahay, at pawnshop documents.
Tinatayang umabot sa P97,000 ang kabuuang halaga ng mga nawala.
Matapos ang insidente, agad na nagtungo ang biktima sa Rizal MPS upang iulat ang pangyayari. Sa follow-up investigation, nakilala ang suspek at nakasuot ito ng itim na jacket na may hood at itim na pantalon. Tumakas siya patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Agad ikinasa ang hot pursuit operation, naglagay ng checkpoints, nakipag-ugnayan sa mga opisyales ng barangay at force multipliers, at nagsagawa ng backtracking at intelligence gathering upang matukoy ang ruta ng pagtakas at posibleng pinagtataguan ng suspek.
via Samuel Macmac