Mga magsasaka, hinihikayat na magtanim ng mais
Photo Courtesy: PSA
Ni Clea Faye G. Cahayag
Hinihikayat ng Department of Agriculture (DA)- Palawan ang mga magsasaka na palawakin ang kanilang pananim at huwag lamang umasa sa palay.
Ayon kay Officer-in-Charge (OIC)- Agriculture Program Coordinating Officer Eleanor N. Lotivo ng DA- Palawan, umabot na sa 4,500 bag ng yellow corn seeds ang naipamahagi sa ilalim ng Yellow Corn Enhancement Program sa lalawigan habang nagpapatuloy naman ang distribusyon ng 250 bag ng glutinous corn seeds para sa White Corn Production.
“Nag-e-encourage po kami ng lahat ng farmers na hindi lang palay, kundi corn ang itanim nila,” aniya.
Sinabi ni Lovito, matagumpay rin na naipamahagi ang 286 bag ng yellow corn seeds at 30 bag ng glutinous corn seeds sa ilalim ng Buffer Stock Program.
Bukas ang naturang programa para sa mga walk-in-client o mga magsasakang nais magsimulang magtanim ng mais at gustong mag-avail ng binhi.
“May mga target po tayo bawat probinsya. May mga target na farmers, na sila po ang ating beneficiaries talaga—‘yan po ang regular target natin na naka-allocate sa bawat munisipyo na nagtatanim ng mais,” pahayag pa nito.
Layunin ng programa na mahikayat ang mas maraming magsasaka na magdagdag ng mais sa kanilang produksyon at mapalakas ang suplay ng mais sa bansa.
Batay sa inilabas na Corn Stocks sa Mimaropa ng Philippine Statistics Authority (PSA) may kabuuang 5,320 metric tons ng mais noong Hulyo 1,2026; 463 metric tons ang nasa household stocks habang 4,857 metric tons naman ang nasa commercial stocks.
Nilinaw ng PSA, hindi kasama sa bilang na ito ang mga stock ng mais na hawak ng mga commercial livestock at poultry producers pati na rin ang mais na hinahalo sa mga pagkain ng hayop.