Libreng sakay sa mga empleyado ng City hall gamit ang E-bus
Photo Courtesy: City Councilor Luis Marcaida III
Ni Clea G. Cahayag
Nitong Lunes, ika- 7 ng Setyembre, binasbasan ang tatlong (3) electric bus o e-bus ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa.
Ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, unang gagamitin ang mga bagong sasakyan sa programang libreng sakay para sa mga empleyado ng City Hall.
“Ngayong umaga ibi-bless natin ang tatlong e-bus natin nandodoon, electric bus ‘yan—pure electric ‘yan.
‘Yan ay susubukan muna nating gamitin habang hinahanda ang libreng sakay—ipanghahatid at sundo natin ng mga empleyado,” ang anunsyo ni Bayron matapos ang flag raising ceremony kahapon.
Aniya, bawat bus ay may itinalagang ruta. Isa ang bibiyahe sa South Road hanggang Honda Bay habang ang isa naman ay North Road patungong sentro ng lungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na hindi permanente ang libreng sakay, dahil kailangan munang suriin ang performance at reliability ng mga e-bus.
“Pero hindi permanenteng assignment kasi kailangan bugbugin natin ‘yung e-bus na ‘yan para malaman natin kung reliable ba talaga ‘yan, kaya para ma-testing ‘yun, gagamitin siya sa libreng sakay.
Mayroon pa tayong possible na 17 units pero testingin muna natin ‘yung tatlo bago natin i-finalize na piliin ‘yung 17 more units,” pahayag ni Bayron.
Sinabi pa ng alkalde na maaari ring ipautang ang mga e-bus sa mga transport cooperative bilang bahagi ng pagsusulong ng modernisasyon ng sistema ng transportasyon sa Puerto Princesa.
“P’wede nating ipautang sa mga transport cooperatives natin para ma-modernize na ‘yung ating transport system,” dagdag pa ng Alkalde.
Samantala, sa hiwalay na pahayag mula sa City Information Office, magsisimula ang libreng sakay sa darating na Setyembre 14.
Ayon sa tanggapan, air-conditioned ang mga e-bus at may kapasidad na 21 nakaupong pasahero at siyam (9) na nakatayong pasahero.
Mayroon din itong apat (4) na CCTV camera at GPS tracker na makatutulong sa pagmomonitor ng bawat biyahe gayundin sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa operasyon.