September 11, 2026
FB_IMG_1789032920039

Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act. (Photo courtesy: PS4)

Ni Rodolfo Idusora

Arestado ang 19-anyos na babae na may kasong Qualified Theft sa isinagawang operasyon ng mga pulis sa Barangay Sta. Cruz, Puerto Princesa City, umaga ng Setyembre 9.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-10:21 ng umaga sa Purok Centro ng nabanggit na barangay sa pangunguna ng Police Station 4, katuwang ang mga tauhan ng City Mobile Force Company (CMFC) at Roxas Municipal Police Station (MPS).

Ang suspek ay isang Filipina na residente ng Socrates Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City.

Ayon sa police report, naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas noong Pebrero 20, 2026 ni Jocelyn Sundiang Dilig, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 47, Puerto Princesa City, Palawan.

May kaugnayan ang warrant sa kasong Qualified Theft, na isinampa sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951.

Nakatalaga ang kaso sa Criminal Case No. CICL-414-2024-D at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang suspek sa Police Station 4 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), kung saan siya kasalukuyang nasa kustodiya para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.

Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad laban sa mga wanted person at sa pagpapatupad ng mga warrant of arrest na inilalabas ng korte.

Pinaalalahanan din ng pulisya ang publiko na ang mga taong may warrant of arrest ay dapat dumaan sa naaangkop na proseso ng batas.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *