September 12, 2026
IMG_20260911_185324

Screenshot: ACTF Video

Ni Rodolfo Idusora

Babala: Naglalaman ng sensitibong larawan at paksa. Maging disente sa pagkomento.

Dead-on-the-spot ang dalawang indibidwal nang bumangga ang isang puting Honda PCX sa isang mini-dump truck sa tulay ng Barangay Tagburos, Puerto Princesa City, madaling araw nitong Setyembre 11.

Ayon sa Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force, dalawang tao ang sakay ng motorsiklo. Kapwa sila nagtamo ng matinding pinsala sa katawan dahil sa banggaan.

Agad namang tumawag ang mga responder sa 911 upang humingi ng saklolo sa HERO ambulance at police investigator. Mabilis na dumating ang ambulansya at sinuri ang dalawang biktima. Idineklarang dead-on-the-spot ang mga ito dahil sa tinamong mga pinsala.

Hindi pa nakikilala ang dalawang biktima dahil wala umanong nakitang identification card o anumang dokumento na maaaring makatulong sa kanilang pagkakakilanlan.

Samantala, kinilala ang driver ng mini dump truck na si Edrey Pedro Alvarez, nasa hustong gulang. Nagpakita rin umano ito ng valid driver’s license sa mga awtoridad.

Ayon kay Alvarez, inilagay nila sa gitna ng kalsada ang kanilang truck at ginamit ang ilaw nito dahil madilim ang bahagi ng kalsadang kanilang pinagtatrabahuhan.
Gumagawa umano sila noon ng marker sa kalsada at ginagamit ang ilaw ng truck upang magsilbing gabay habang isinasagawa ang kanilang trabaho.

Dumating din ang mga imbestigador ng pulisya upang alamin ang eksaktong sanhi at pangyayari sa likod ng aksidente.

Matapos ang initial response, itinurn-over ng Team Abstract ang insidente sa police investigator para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi.

Developing stories.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *