Nangakong sasagutin ang burial expenses, pag-uwi ng mga nakaligtas
Ni Rodolfo Idusora
Nangako ang Atienza Interisland Ferries Inc., operator ng MV June Aster na nasunog sa karagatan ng Coron, Palawan noong Setyembre 9, na magbibigay ng burial assistance sa mga pamilyang nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Dindo Macalinao, HR Generalist ng kompanya, bahagi ito ng kanilang pagtugon sa mga naapektuhan ng insidente.
Bukod sa tulong para sa mga nasawi, sinabi ni Macalinao na nakapagbigay na rin ang kompanya ng paunang assistance sa mga nakaligtas sa sunog.
Kabilang dito ang pagkain at mga basic necessities para sa mga survivor na pansamantalang nananatili sa covered court.
Tiniyak din ng kompanya na tutulungan ang mga nakaligtas na makabalik sa kani-kanilang destinasyon. Ayon kay Macalinao, sasagutin ng kompanya ang kanilang transportasyon hanggang sa makarating sila sa kanilang mga destinasyon.
Patuloy namang inaasikaso ng mga awtoridad ang mga pasahero at tripulante na naapektuhan ng insidente habang nagpapatuloy ang search and rescue operations para sa mga nawawala.
Samantala, nagpahayag din ng kahandaan ang Atienza Interisland Ferries Inc. na makipagtulungan sa imbestigasyon sa insidente.
Ayon kay Macalinao, handa ang kompanya na humarap sa mga awtoridad at ibigay ang mga kinakailangang impormasyon kaugnay ng nangyaring sunog. Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang mga pangyayari bago at habang naganap ang sunog sa MV June Aster, pati na ang iba pang detalye na maaaring makatulong sa pag-alam sa sanhi ng insidente.
Patuloy namang hinihintay ang mga susunod na ulat mula sa Philippine Coast Guard at iba pang ahensiyang nagsasagawa ng search and rescue at imbestigasyon.
Kaugnay nito, nananatiling nakatutok ang mga awtoridad sa kalagayan ng mga survivor at sa paghahanap sa mga pasaherong hindi pa natatagpuan.