Suspek sa pagnanakaw ng kable, hinabol
Ni Rodolfo Idusora
Hinabol ng mga awtoridad at publiko ang isang hinihinalang magnanakaw ng kable ng street light matapos umanong putulin ang kable sa Pablico Road 2, Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City, bandang alas-8:20 ng gabi noong Setyembre 13.
Nakatanggap ng tawag ang response team ng Anti-Crime Task Force mula sa 911 para humingi ng assistance ang mga barangay tanod na humahabol sa isang lalaki na umano’y pumutol ng kable ng pailaw sa lugar. Ayon sa ulat, tumakas patungo sa masukal na bahagi ng lugar ang magnanakaw.
Agad namang rumesponde ang tropa at pagdating sa lugar ay nadatnan ang mga barangay tanod, mga tauhan ng Police Station 2 at mga residente na nagsasagawa ng paghahanap sa suspek.
Ayon kay Ronnie, 40-anyos na residente ng Pablico Road 2, ilang beses na umano niyang napapansin ang kahina-hinalang lalaki na pabalik-balik sa kanilang lugar at madalas makita malapit sa mga street light.
Dahil dito, nilinis umano ni Ronnie ang paligid ng isang street light sa harap ng kanilang bahay upang madaling mapansin kung may mangyayaring kahina-hinala.
Bandang alas-8:20 ng gabi, bigla umanong namatay ang ilaw ng isang street light. Nakita nila ang lalaki na pinutol ang wire at nagtungo sa harap ng kanilang bahay upang umano’y hilahin ang kable.
Agad silang tumawag sa mga barangay tanod. Hinabol naman ng mga tanod ang suspek, ngunit nakapasok ito sa gubat at hindi na naabutan. Apat na street light sa lugar ang naiulat na hindi na umiilaw.
Pinayuhan ng response team ang mga residente na agad tumawag sa 911 o sa kinauukulang awtoridad kung muling makita ang suspek upang mabilis na marespondehan.
Nagpasalamat naman ang mga residente sa agarang pagresponde ng tropa.