Modernong day care center sa Tagabinet
Photo Courtesy: CIO Puerto Princesa
Repetek News
Bago, moderno, at komportableng day care center ang itatayo sa Sitio Bayatao, Barangay Tagabinet, Lungsod ng Puerto Princesa, ayon kay City Mayor Lucilo R. Bayron.
Sa kaniyang Facebook post, inihayag ng alkalde na kaniyang isinusulong na magkaroon ng maayos na silid-aralan ang lahat ng mga mag-aaral sa lungsod.
Aniya pa, bahagi ng kaniyang inclusive governance ang proyekto sa layuning walang komunidad, kabilang ang mga nasa liblib na lugar, ang maiwan sa pag-unlad ng lungsod.
“Dito sa Puerto Princesa, inclusive tayo. Walang maiiwanan sa paglago at pag-asenso ng Puerto Princesa. Ang mga liblib na lugar, kailangang nakakausad din sila at nakasasabay sa development na nangyayari sa ating lungsod,” bahagi ng mensahe ni Bayron sa kamakailang groundbreaking ceremony ng programa.
Inihayag naman nu teacher Carol Jala na malaking katuparan ito ng pangarap ng komunidad, lalo na para sa mga batang katutubo na makikinabang sa mas maayos at komportableng pasilidad.
Dinisenyo ng Office of the City Architect ang proyekto na may pondong ₱6.464 milyon mula sa General Fund 2026. Inaasahang matatapos a ng proyekto sa loob ng 150 calendar days.