September 29, 2026
FB_IMG_1790686311436

Photo courtesy: Margie Lachica Malabanan

Ni Rudolfo Idusora

Nahagip ng closed-circuit television camera (CCTV) ang isang lalaki na umano’y pumasok sa isang bahay sa Mendoza Ville, Barangay San Manuel, Puerto Princesa City, noong Setyembre 23.

Sa Facebook post ni #RepetekTipster Margie Lachica Malabanan, sapul sa CCTV ang hindi pa nakikilalang lalaki na pumasok sa isang bahay sa lugar.

Tinangay ng kawatan ang dalawang sirang laptop at isang powerbank.

Ayon pa kay Malabanan, hindi nadala ng kawatan ang mga gamit nang siya’y makita ng isang kapitbahay habang tinatangka umanong tumakas.

Iniwan umano ng lalaki ang mga gamit at tumalon palabas ng rooftop upang makatakas.

Aniya pa, nakita rin umano ang parehong suspek na pumasok sa iba pang kalapit na bahay bago ang insidente.

Sa isa sa mga bahay na pinasok umano nito, isang double burner ang sinasabing natangay.

Pinaalalahanan ang mga residente sa lugar na palaging tiyaking nakakandado ang mga pinto at bintana, lalo na kapag walang tao sa loob ng bahay.

Pinapayuhan din nito ang mga residente na ilagay sa ligtas na lugar ang mahahalagang gamit at huwag basta mag-iwan ng mga bagay na maaaring madaling makuha.

Mahalaga rin umanong regular na suriin ang CCTV upang agad na mapansin ang kahina-hinalang kilos sa paligid.

Hinimok ang mga residente na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa barangay o pulisya ang anumang kahina-hinalang tao o insidente sa kanilang lugar.

Patuloy namang hinihintay ang karagdagang impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng suspek at kung may isinagawang pormal na reklamo kaugnay ng mga insidente.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *