Nanghihinang Agila, natagpuan sa Clearing Op
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Natagpuan ang nanghihinang Crested Serpent Eagle sa damuhan sa Brgy. Tagburos, lungsod ng Puerto Princesa, at agad na nai-turnover sa Palawan Council for Sustainable Development Staff-Wildlife Enforcement Office (PCSDS-WEO).
Sa gitna ng isinagawang highway clearing operation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Purok Bagong Sikat ng naturang barangay, nakita ng mga kawani ang nanghihina at payat na Crested Serpent Eagle (Spilornis cheela) na nasa damuhan, kamakailan.
Matapos makuha ang agila, agad itong ini-turnover sa isang Kagawad ng Barangay na nagdala nito sa PCSDS-WEO Main Office. Sa paunang pagsusuri, tinatayang nasa 600 gramo ang bigat ng agila at kapansin-pansing mahina ang kondisyon.
Dahil dito, agad dinala ang agila sa Operations Center (OPCEN) sa Irawan para sa pansamantalang pangangalaga. Nakatakda naman itong ilipat sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) upang sumailalim sa masusing medical evaluation at rehabilitasyon bago ang posibleng pagpapakawala sa likas na tirahan.