October 1, 2026
FB_IMG_1790774039568

Ni Rodolfo Idusora

Sugat sa mukha ang tinamo ng 69-anyos na tsuper nang mauwi sa pananaksak ang komprontasyon ng kapuwa tsuper sa kahabaan ng Rizal Avenue, Puerto Princesa City, bandang alas-6:00 ng umaga ng Martes, Setyembre 29.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Police Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), nagsimula umano ang pagtatalo dahil sa pasaherong parehong hinihintay ng dalawang tsuper.

Habang bumibiyahe ang mga ito sa Rizal Avenue, nagkaroon umano ng paulit-ulit na busina at pag-overtake na lalo pang nagpalala sa kanilang pagtatalo.

Kalaunan, nauwi umano ang insidente sa komprontasyon kung saan nagtamo ng sugat sa mukha ang 69-anyos na tsuper. Ayon sa paunang impormasyon, screwdriver umano ang ginamit sa pananakit sa kanya.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ng HERO Ambulance responders ang biktima bago dinala sa isang medical facility para sa karagdagang paggamot.

Batay sa medical findings na isinumite sa pulisya, tinatayang limang araw ang healing period ng natamong sugat ng biktima.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Investigator-on-Case (IOC) ng PS1 ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari.

Kapwa nagbigay ng kanilang salaysay ang dalawang tsupee at parehong iginiit na ang kabilang panig ang responsable sa nangyaring komprontasyon.

Sinusuri ng pulisya ang kanilang mga pahayag, salaysay ng mga saksi, medical findings at iba pang ebidensiya upang matukoy ang mga pangyayari.

Samantala, binigyan ng kaukulang referral ang mga sangkot para sa barangay para sa wastong paghahain at paghawak ng kanilang mga reklamo, alinsunod sa umiiral na proseso.

Pinaalalahanan naman ng PS1 ang mga driver na panatilihin ang kalmado at iwasang mauwi sa komprontasyon ang mga pagtatalo sa kalsada.

Hinimok ang mga motorista na humingi ng tulong sa traffic authorities o pulisya kapag may hindi pagkakaunawaan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *