Agosto 20 deadline ng business tax
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Ipinababatid ng City Treasurer’s Office sa mga tindahan at negosyante sa Lungsod ng Puerto Princesa na sa darating na Agosto 20, taong kasalukuyan, ang huling araw ng pagbabayad ng kaukulang business tax para sa ikatlong hulog.
Ang deadline ay alinsunod sa Ordinansa Blg. 1316 ng Pamahalaang Panlungsod.
Hinikayat ng City Treasurer’s Office ang lahat ng apektadong negosyante na makapagbayad bago o sa itinakdang deadline upang maiwasan ang karagdagang multa at iba pang kaukulang bayarin.
Para sa mas mabilis at maginhawang transaksiyon, maaari ring magbayad online ang mga negosyante sa pamamagitan ng opisyal na website ng Pamahalaang Lungsod.
Maaaring bisitahin ang puertoprincesa.ph, piliin ang E-Payment Services, at pagkatapos ay ang Online Billing and Payment.
Samantala, nanawagan din ang tanggapan sa mga Punong Barangay ng lungsod na ipaalam sa kanilang mga nasasakupan ang tungkol sa deadline at mga kaukulang hakbang sa pagbabayad.
Pinapayuhan ang mga negosyante na huwag nang hintayin ang huling araw upang maiwasan ang abala at posibleng karagdagang gastos sa kanilang negosyo.