Alagang Sunda box turtle, isinuko
Photo Courtesy: MENRO Roxas
Ni Samuel Macmac
Pinangunahan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Roxas at Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ang pagpapakawala sa kagubatan ng Sunda Box Turtle (Cuora amboinensi) na kabilang sa Vulnerable o bumababang populasyon.
Inaalagaan ng residente ng Barangay 2 ang nasabing pagong na kusang isinuko. Natuklasang buhay at nasa maayos na kondisyon ito kaya’t dinala ng tauhan ng MENRO at PCSDS sa itinakdang release site sa bayan ng Roxas matapos pagsusuri.
Ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), nakalista ang Sunda Box Turtle bilang Vulnerable at kabilang sa mga species na protektado sa ilalim ng CITES Appendix II dahil sa banta ng ilegal na kalakalan ng wildlife at pagkawala ng tirahan.
Itinuturing namang endangered species sa lalawigan ng Palawan ang naturang pagong sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967 at Republic Act No. 9147.
Samantala, dahil sa kakayahan ng nasabing pagong na halos ganap na maisara ang shell upang maprotektahan ang sarili laban sa mga mandaragit, tinawag itong “box turtle.”