Albularyo, binaril, patay
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Babala: Sensitibong pakasa at larawan. Maging disente sa pagkomento.
Hindi nakaligtas ang isang 70-anyos na faith healer matapos pagbabarilin ng dalawang suspek sa loob ng kanyang tahanan sa bayan ng Quezon, Palawan nitong Hulyo 31 bandang alas-7:00 ng gabi.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO), kinilala ang biktima sa alyas na “Vilma”, may asawa, at residente ng Bgy. Alfonso XIII.
Iniulat ng isang concerned citizen sa Quezon Municipal Police Station (MPS) ang insidente ng pamamaril. Agad na rumesponde ang mga pulis at natagpuang duguan ang biktima na nakahandusay sa loob ng bahay. Isinugod siya ng Municipal Disaster Risk Management Office (MDRRMO) gamit ang ambuansya patungong Quezon Medicare Hospital ngunit idineklara nang dead on arrival.
Sa paunang imbestogasyon ng pulisya, nagkunwaring mamimili ang isa sa mga suspek at nang lumabas ang biktima sa pintuan ng tindahan ay agad siyang binaril.
Nakatakbo pa siya papasok ng bahay ngunit sinundan ng suspek at muling pinaputukan. Ayon sa ulat, dalawang lalaki ang nakasuot ng itim na long sleeve ang nakita ng mga saksi.
Limang bala at pitong basyo ng kalibre .45 ang narekober sa naturang lugar. Patuloy naman ang iniimbestigahan ang motibo ng krimen habang nagsasagawa ng follow-up investigation at manhunt operation ang mga awtoridad.