Apat na uri ng bakaw, nadiskubre sa Lawak Island
Photo Courtesy: PCSD
Ni Samuel Macmac
Natuklasan ng mga siyentista ang apat na species ng bakaw sa Lawak Island sa Kalayaan Island Group sa isinagawang survey ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).
Nakumpirma ng naturang ahensya ang presensya ng nadiskubren apat na species ng bakaw sa pinoprotektahang Critical Habitat sa nabanggit na isla. Ang mga litrato at dokumentasyon ay ipinasa sa mga eksperto upang beripikahin ang species identification.
Bukod sa mga nakatayong puno, nakapansin din ang mga mananaliksik ng mga propagules na inanod sa dalampasigan. Ayon sa kanila, senyales ito ng natural na kakayahan ng isla para sa dispersal, recuitment, at posibleng pagbuo ng bagong habitat ng bakawan.
Sinukat at sinuri ang bawat puno sa pamamagitan ng diameter, circumference, merchantable height, at kabuuang taas. Binigyang-diin ng mga eksperto na ang mga datos ay magsisilbing baseline para sa mga plano ng proteksyon, pamamahala, at rehabilitasyon ng bakawan sa Lawak.
Ang pag-aaral ay bahagi ng Marine Resource Initiative Project na suportado ng Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) ng Australia, katuwang ang Geoscience Australia at University of Sydney.
Layunin ng nasabing pananaliksik na palakasin ang sisyentiping kooperasyon para sa biodiversity research at climate resilience sa West Philippine Sea.
Matatandaang idineklara ng PCSDS ang Lawak Island bilang Critical Habitat para sa migratory birds noong Setyembre 2022. Samantala, ang Critical Habitat Management Board ng Kalayaan LGU ang namamahala rito, na nagsusulong ng konserbasyon, monitoring, at partisipasyon ng stakeholders.