Photo Courtesy: Lucilo R. Bayron
Ni Clea G. Cahayag
Mayroong bagong inaayos na atraksyon sa Balayong Peoples’ Park na matatagpuan sa Barangay Sta. Monica, Puerto Princesa City.
Ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, sinimulan nang taniman ng mga puno ng Balayong ang harapang
bahagi ng Puerto Princesa City National Science High School. Ang naturang lugar ay planong gawing isang “white corridor”.
“Sisimulan natin ‘yung pino-project natin ang tawag ko “white corridor” dahil doon walang kalsada mayroon lang doon mga pathway. Between pathway mayroong mga punongkahoy [r]oon sa “white corridor” puro Balayong Trees…tulad ng Sakura na sabay-sabay silang mamumulaklak, sabay-sabay [r]in maghuhulugan ang mga bulaklak nila kaya ‘yung pathway natin mamumuti kaya ang tawag natin “white corridor. Imagine n’yo ‘yun,” ani Bayron.
Maliban sa white corridor, magkakaroon din ng yellow at violet corridor.
Sa yellow corridor, tataniman ng mga puno ng Golden Shower ang magkabilang tabi nito upang maging kulay dilaw ang daanan kapag naghulugan ang mga bulaklak at dahon nito.
Mga puno naman ng Jacaranda ang itatanim dito na magbibigay ng violet na kukay sa paligid at sa pathway kapag namulaklak.
“Magkakaroon din tayo ng yellow corridor. Magkabilang puno Golden Shower, pagbagsakan ng dahon niya’n kulay dilaw ang ating pathway.
Mayroon din tayong violet corridor —Jacaranda, violet ang bulaklak at ‘pag naghulugan ang bulaklak puro violet ang daanan. ‘Yan ang mangyayari sa lugar sa harap ng City Science National High School,” pahayag pa ng Alkalde.
Ang karagdagang atraksyon ay inaasahang makapagbibigay ng karagdagang sigla, ganda at kulay sa lungsod ng Puerto Princesa.
Samantala, sa katatapos lamang na Balayong Tree Planting and Nurturing Festival nito lamang ika-25 ng Hulyo pinangunahan ni Mayor Bayron ang pagtatanim ng Balayong sa tapat ng nabanggit na paaralan.