August 16, 2026
FB_IMG_1786781047900

Ni Clea G. Cahayag

Nagsimula na ang pagbabakuna kontra Measles at Rubella sa mga batang may edad anim (6) hanggang 59 buwan sa Barangay Sta. Monica, Lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon sa pabatid, ang pagbabakuna ay isasagawa sa Barangay Health Center simula Agosto 10 hanggang ika-21 ng nasabing buwan bilang bahagi ng Supplemental Immunization Activity (SIA), isang malawakang pagbabakuna upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng Measles at Rubella.

Kinakailangan ang SIA dahil sa nagpapatuloy na banta ng outbreak.

Sa mga nakalipas na taon, tumaas ang bilang ng mga batang hindi nabakunahan o hindi sapat ang proteksyon laban sa mga sakit na ito. Dahil dito, mas mataas ang panganib ng pagtaas ng kaso at pagkakaroon ng komplikasyon lalo na sa mga batang hindi pa nabibigyan ng bakuna.

Ang isang apektadong bata ay pwedeng makahawa sa labing-anim (16) na iba pang mga bata dahil ang virus na sanhi nito ay airborne. Ibigsabihin maaaring maipasa ang sakit sa pamamagitan ng talsik ng laway kapag ito ay umubo o bumahing.

Ang Tigdas ay isang nakakahawang sakit na dulot ng Measles virus. Maaari itong magdulot ng komplikasyon tulad ng pulmonya, impeksyon sa tenga at mata, pagtatae, pamamaga ng utak, malnutrisyon at maaaring magresulta sa pagkamatay.

Ilan sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat, ubo, conjunctivitis o pamumula ng mata, coryza o sipon, at mapupulang pantal o rashes na karaniwang lumalabas kasabay ng pinakamataas na lagnat.

Samantala, ang Rubella na kilala rin sa tawag na Tigdas-hangin o German Measles ay isang sakit sanhi ng Rubella virus.

Karaniwang mild ang sintomas nito ngunit mapanganib ito para sa mga buntis dahil maaari itong magdulot ng miscarriage o ipanganak ang sanggol na may malubhang kapansanan.

Ang sintomas nito ay lagnat, rashes, pamumula ng mata, panghihina ng katawan at lymphadenopathies o kulani.

Binigyang-diin wala pang gamot laban sa nabanggit na sakit at tanging bakuna lamang ang makapagbibigay ng proteksyon kontra rito.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *