Blue-eared Kingfisher, ligtas na
Photo Courtesy: PCSDS
Ni Samuel Macmac
Matagumpay na nasagip ng Palawan Council for Sustainable Development Staff-Wildlife Enforcement Office (PCSDS-WEO) ang isang Blue-eared Kingfisher matapos bumangga sa salaming bintana ng isang bahay sa Bgy. San Jose, lungsod ng Puerto Princesa.
Ang Blue-eared Kingfisher o may siyentipikong pangalan na Alcedo meninting ay muling nakabalik sa ligtas na tirahan matapos iulat ng isang residente na natagpuang nakahandusay sa lupa ang nasabing ibon.
Sa imbestigasyon ng ahensya, bumangga ang ibon sa salaming bintana ng bahay. Habang hinihintay ang response team, inalagaan muna ng concerned citizen ang ibon upang maiwasan ang karagdagang pinsala.
Sa pagdating ng mga tauhan ng PCSDS-WEO, isinagawa ang paunang pagsusuri at agad na kumonsulta sa beterinaryo. Lumabas sa pagsusuri na walang permanenteng pinsala o trauma ang kingfisher, maliban sa panandaliang pagkahilo.
Matapos makumpirmang maayos ang kondisyon, dinala ang ibon sa Palawan Wildlife Rescue amd Conservation Center (PWRCC) para sa karagdagang obserbasyon. Kalaunan, matagumpay itong napakawalan sa isang angkop na likas na tirahan.
Ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), bahagyang bumababa ang populasyon ng nasabing ibon dahil sa pagkawala ng tirahan.