Photo courtesy: IPPF
Ni Rodolfo Idusora
Umabot sa 150 Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Iwahig Regional Facility ng Central Sub-Colony (CSC) ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) ang nakinabang sa isang libreng eye care mission at gift-giving activity na isinagawa noong Hulyo 2.
Pinangunahan ang aktibidad ng Alpha Kappa Rho-Iwahig Alumni Chapter katuwang ang Kiwanis Club of Bright Beginnings, Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP), at Rotary Club of Puerto Princesa-Central. Layunin ng programa na mapangalagaan ang kalusugan ng mga PDL, partikular ang kanilang kalusugan sa mata.
Pinamunuan ni Ophthalmologist Dr. Jimmy del Rosario ang eye care mission kasama ang mga volunteer mula sa iba’t ibang partner organizations. Isinagawa ang programa sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan at mga kawani ng IPPF.
Sa isinagawang aktibidad, sumailalim ang mga benepisyaryo sa libreng pagsusuri sa mata at konsultasyon. Ang mga nangangailangan ng salamin ay nabigyan ng prescription eyeglasses batay sa resulta ng kanilang eye examination. Bukod dito, tumanggap din ang mga PDL ng gift packs na naglalaman ng mga pangunahing gamit.
Ayon sa IPPF, ang programa ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Bureau of Corrections (BuCor) na mapabuti ang kalagayan at kapakanan ng mga PDL sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang civic at service organizations.
Ipinakita rin ng aktibidad ang magandang ugnayan ng BuCor at mga pribadong organisasyon sa paghahatid ng mga serbisyong makatutulong sa mga nasa loob ng correctional facility.