Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Clea G. Cahayag
Nasa 99 porsyento na ng mga pampublikong paaralan sa buong Pilipinas ang konektado sa programang Free Wifi For All ng Department of Information, Communications and Technology (DICT).
Ayon kay DICT Undersectary Atty. Faye M. Condez de Sagun, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na lahat ng pampublikong paaralan ay dapat may access sa libreng internet.
“99% na po ang public schools nationwide [ay] connected. Kasi po last year ‘yun na order ni Presidente (Ferdinand Marcos Jr.) na dapat konektado sa internet ang lahat ng DepEd Public Schools so ang ginawa po natin pinaspasan natin ‘yan,” ayon sa opisyal.
Aniya, ang natitira na lamang na mga paaralan na wala pa ring access sa internet ay yaong mga nasa Geographically Isolated at Disadvantaged Areas (GIDA).
Hindi naging madali ang implementasyon ng programa lalo pa’t may mga paaralan na kinakailangan pang tumawid ng ilog o bundok para makapagpada ng
mga low orbit satellite equipment para makakonekta sa internet ang mga estudyante.
Katunayan, nito lamang buwan ng Hunyo, ang DICT sa pangunguna ni Sec. Henry Aguda ay nagtungo sa Badjao Floating Integrated School sa Basilan para ilapit ang serbisyo ng ahensya.
“Kahit papaano po naitatawid natin of course with the directive of the President and with the help of everyone in the community kaya tinatawag ni Sec.Henry na “digital bayanihan”,” aniya pa.
Samantala, inilunsad sa lalawigan ng Palawan nito lamang ika-15 ng Hulyo ang karagdagang Free Wi-Fi sites sa 207 pampublikong paaralan sa Puerto Princesa City at iba pang bahagi ng Palawan.