Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Posibleng mas mapalawak pa ang merkado ng mga lokal na negosyante sa Puerto Princesa matapos mag-courtesy visit kay City Mayor Lucilo R. Bayron ang kinatawan ng Shopee Philippines na si Atty. Choi Petrache upang talakayin ang mga programang makatutulong sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa lungsod.
Ayon kay Atty. Petrache, layunin ng kanilang pagbisita na simulan ang ugnayan sa Pamahalaang Panlungsod at maipakilala ang mga programang maaaring magbigay ng mas malawak na market access sa mga lokal na negosyo sa pamamagitan ng e-commerce.
Sinabi rin niya na nais ng Shopee Philippines na suportahan ang mga prayoridad ng lokal na pamahalaan, partikular ang pagpapaunlad ng turismo at MSMEs, sa pamamagitan ng mga proyektong makikinabang ang mga negosyante sa Puerto Princesa.
Ayon sa alkalde, malaking tulong ang ganitong programa sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at hinikayat niya ang Shopee Philippines na magsumite ng pormal na panukala upang maisulong ang posibleng partnership.
Ang Shopee Philippines ay e-commerce platform na kabilang sa Sea Limited, isang Singapore-based global technology company na nagpapatakbo ng iba’t ibang digital services sa Southeast Asia.