October 14, 2026
FB_IMG_1791899612520

Photo Courtesy: PPCWD

Ni Clea Faye G. Cahayag

Naghahanda ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) ng alternatibong pagkukunan ng tubig sa Puerto Princesa upang matugunan ang posibleng kakulangan ng suplay sa lungsod tuwing summer at sa banta ng Super El Niño.

Ayon kay PPCWD General Manager Walter Laurel, bago pa ang taong 2020, regular nang nakararanas ng water shortage ang siyudad. Dahil dito, nag-drill ang Water District ng mga deep well bilang karagdagang pinagkukunan ng tubig ngunit hindi pa rin sapat ang mga ito upang matugunan ang pangangailangan ng lungsod tuwing tag-init.

Sa kasalukuyan, naka-standby ang 13 backup groundwater sources kasunod ng pagpapatupad ng Montible Project. Kabilang dito ang isang infiltration well na planong idebelop sa loob ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) na nangangailangan muna ng pag-apruba mula sa Bureau of Corrections (BuCor).

Paliwanag ni Laurel, kinakailangan munang makakuha ng building permit mula sa Office of the Building Official (OBO) bago muling magamit ang mga naturang deep well.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang pamunuan ng PPCWD kay City Mayor Lucilo Bayron upang humiling ng temporary building permit para mapakinabangan ang mga groundwater sources ngayong tag-init.

Ayon kay Laurel, positibo naman ang naging tugon ng alkalde sa kanilang kahilingan.

“Yesterday, I went to the office of the Mayor kasi naghingi tayo ng assistance na gusto naming i-activate ‘yun [deep wells] during summer, during El Niño ‘yun nga hiningian tayo ng building permit ng ating OBO.

Nakiusap ako kay Mayor na kung p’wede, wala ng building permit. Anyway, this is for temporary use during El Niño after El Niño standby na rin siya, sayang ‘yung gagastusing oras at pera makapag-secure ng building permit. Pinayagan naman tayo ni Mayor,” paliwanag ni Laurel.

Maliban sa mga backup groundwater sources, nakahanda na ring paandarin ang pipeline na konektado sa ilog ng Montible Bridge 1 bilang karagdagang pagkukunan ng tubig ng lungsod.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *