Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Nalambat sa operasyon laban sa iligal na pangingisda ang labimpitong mangingisda matapos maaktuhang gumagamit ng air compressor at iba pang ipinagbabawal na gamit sa karagatan ng nabanggit na bayan.
Sa ikinasang joint seaborne patrol sa karagatang sakop ng Bgy. Casian, Taytay, Palawan, naaresto ang 17 katao na lumabag sa lokal na ordinansa sa paggamit ng air compressor sa pangingisda.
Pinangunahan ng Municipal Police Station (MPS) katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO), Philippine Coast Guard Taytay Sub-Station, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Hulyo 9.
Narekober mula sa mga suspek ang apat na bangkang rehistrado, apat na makina ng compressor, apat na tangke, labing-isang rolyo ng hose, mga iving mask, improvised flippers, lambat, at tinatayang 100 kilo ng sari-saring isda na may halagang P342,000. Dinala naman ang lahat ng kagamitan sa kustodiya ng MAO para sa tamang disposisyon.
Samantala, iniulat ng pulisya na walang naipakitang kaukulang permit ang mga naarestong mangingisda para sa paggamit ng compressor, kaya’t sila ay dinala sa Taytay MPS upang harapin ang kaukulang multa at tamang disposisyon.