Half-day work sa City Gov’t ngayong “Kainang Pamilya Mahalaga Day”
Ni Clea G. Cahayag
Half day lamang ang pasok ng mga empleyado ng City Government ngayong araw ng Lunes, ika-28 ng Setyembre, upang bigyang daan ang paggunita sa “Kainang Pamilya Mahalaga Day”.
Sa flag-raising ceremony kaninang umaga, sinabi ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na hanggang alas-12:00 ng tanghali lamang ang pasok ng mga empleyado.
Ayon sa alkalde, layunin nitong bigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasalu-salo ng pamilya sa hapag-kainan.
“Today is sabi Family Day kaya hanggang 12:00 o’clock lang ang trabaho natin…dahil daw ang “kainang pamilya ay mahalaga”.
So, hindi naman siguro tayo aabot ng tanghalian dahil mga bata may mga pasok. Siguro mangyari ‘to puro magdidinner lang tayo, by family natin,” ang tinuran ng Alkalde.
Samantala, sa hiwalay na pahayag ng City Information Office, sinabi nitong ang “Kainang Pamilya Mahalaga Day” ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 136, s. 2026 mula sa Office of the President na nagtatakda ng paggunita rito tuwing ikaapat na Lunes ng Setyembre.
Nilinaw naman na magpapatuloy ang operasyon ng mga tanggapan na kabilang sa frontline at iba pang mahahalagang serbisyo, partikular sa kalusugan, kaligtasan, at disaster response.
Kabilang dito ang City Health Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Kilos Agad Action Center (KAAC), Solid Waste Management Program, City Anti-Crime Task Force, City Traffic Management Office at iba pang mahahalagang serbisyo.
Ipinabatid din na ang mga nakatakdang pagpupulong ay magpapatuloy ayon sa kanilang iskedyul.