Inabandona sa Tabud
Ni Samuel Macmac
Narekober ng mga awtoridad ang mini chainsaw sa Sitio Tabud, Barangay Saraza, Brooke’s Point, Palawan, matapos itong iwan ng operator sa gitna ng umano’y ilegal na pagputol ng punongkahoy.
Isang hindi pa nakikilalang indibidwal ang nag-iwan nito sa nasabing lugar. Ang operasyon ay pinangunahan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) Enforcement Team at Palawan Security and Control ng Pamahalaang Panlalawigan.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, natagpuan ang ilang piraso ng pinutol na kahoy na ipil na umano’y gagamitin sa paggawa ng uling. Wala na sa pinangyarihan ang operator nang dumating ang mga tauhan ng PCSDS.
Matapos ang dokumentasyon, agad na isinailalim sa kustodiya ng PCSDS Enforcement Team ang nasabing chainsaw para sa tamang disposisyon alinsunod sa umiiral na regulasyon.
Paalala ng mga awtoridad, ang paggamit ng chainsaw nang walang permit ay mahigpit na ipinagbabawal, lalo’t kayang makaputol ng tinatayang 40 puno sa loob lamang ng isang araw ang naturang kagamitan.