August 22, 2026

Internet services ng Converge posibleng maibalik sa Agosto 23

0
FB_IMG_1787384177516

Photo Courtesy: Converge

Ni Clea G. Cahayag

Maghihintay pa ng ilang araw ang mga subscriber ng Converge sa Palawan bago tuluyang maipanumbalik ang kanilang internet connection.

Ayon sa naunang Customer Advisory, nawalan ng internet connection sa lalawigan noong Agosto 19 matapos maputol ang submarine fiber optic cable patungong Palawan.

Sa pinakabagong update ng Converge nitong araw ng Huwebes, Agosto 20, inihahanda na ang mga kinakailangang kagamitan na ipapadala sa kanilang provincial sites upang maibalik ang serbisyo sa mga apektadong subscriber.

Ayon sa kumpanya, inaasahang maibabalik ang internet service sa Agosto 23, dakong alas-6 ng umaga (6:00 AM) ngunit nilinaw nitong maaari pa itong magbago depende sa lagay ng panahon.

Ipinahayag din ng Converge na kapag naibalik na ang connection, maaari nang mag-request ng rebate ang mga apektadong subscriber.

Samantala, karamihan sa mga komento ng mga apektadong subscriber sa social media page ng Converge ay humihiling ng refund o rebate para sa mga araw na hindi nila nagamit ang serbisyo ng kumpanya.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *