August 22, 2026

Cooking oil, 2 trucks, naharang sa Puerto Princesa

0
FB_IMG_1787355816598

Photo courtesy: PPCPO

Ni Rodolfo Idusora

Umabot sa ₱6.19 milyon ang halaga ng cooking oil at dalawang delivery trucks ang nasamsam ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) sa isang buy-bust operation nitong gabi ng Huwebes, Agosto 20, sa Sitio Damayan, Barangay Bacungan.

Isinagawa ang operasyon dakong 11:45 ng gabi ng mga tauhan ng Special Operations Unit (SOU) ng PPCPO, sa pangunguna ni PMAJ Ray Aron D. Elona, katuwang ang Police Station 2 at City Mobile Force Company.

Batay sa impormasyon ng pulisya, target ng operasyon ang isang grupo na umano’y sangkot sa hindi awtorisadong paggawa, pagbebenta, at pag-iikot ng cooking oil sa lungsod.

Nagsagawa ang mga operatiba ng controlled purchase na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang suspek. Hindi umano ito nakapagpakita ng mga kinakailangang dokumento para patunayang legal at awtorisado ang operasyon. Isang kasama nito ang nakatakas at patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 380 litro ng cooking oil, mga crate, at iba pang lalagyan ng produkto. Nasamsam din ang dalawang delivery truck na may kargang tinatayang 9,000 litro ng palm oil.

Ayon sa pulisya, nasa ₱880,992 ang halaga ng mga cooking oil product, habang tinatayang ₱5.31 milyon naman ang kabuuang halaga ng dalawang truck. Umabot sa ₱6,190,992 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam.

Isinagawa ang inventory sa presensya ng mga saksi mula sa media at barangay. Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatan.

Inihahanda na ang reklamo para sa umano’y paglabag sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009, na isusumite sa City Prosecutor’s Office.

Kaugnay nito, pinuri ni PCOL David A. Toctocan Jr., officer-in-charge ng PPCPO, ang mga operatiba at hinikayat ang publiko na i-report ang kahina-hinalang pagbebenta o paggawa ng mga produktong walang kaukulang awtorisasyon.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *