Kakulangan ng accredited nursery sa high-value crops, nakikitang problema sa Palawan
Photo Courtesy: DA MIMAROPA
Ni Clea Faye G. Cahayag
Maraming magsasaka sa Palawan ang nahihirapang makakuha ng certified planting materials para sa mga high-value crops dahil wala pang accredited nursery sa lalawigan.
Ito ang kinumpirma ni Officer-in-Charge (OIC)- Agriculture Program Coordinating Officer Eleanor N. Lotivo ng DA- Palawan sa lokal midya sa isinagawang Kapihan sa SM ng Philippine Information Agency (PIA)-Palawan.
“Dito po sa Palawan, marami ang nagrereklamo wala silang makuhang certified, ‘yung mga pananim na mga high-value crops kasi wala pa po tayong accredited na mga nurseries sa Palawan,” aniya.
Aniya, nagpapatuloy ang proseso sa accreditation ng ilang plant nurseries sa probinsya subalit mahaba umano ang proseso nito dahil kinakailangang matiyak ang pagkakaroon ng sapat na plant stock at lugar na pagkukunan ng planting materials.
Ayon kay Lovito, malaki ang maitutulong ng nurseries para mapabilis ang pamumunga ng isang pananim kagaya na lamang ng lanzones kung saan mula sa sampung (10) taon ay maaaring maging limang (5) taon na lamang ito sa pamamagitan ng tinatawag na grafting.
Maliban dito, layunin rin na maiwasan ang pag-aangkat ng mga pananim papasok sa lalawigan dahil isa rin ito sa sanhi ng pagpasok ng mga peste at sakit sa mga pananim.
“Sa ngayon po, may mga pailan-ilan tayong applications ng ating plant nursery at sana pagdating ng mga panahon na ‘yan ay magkaroon na tayo [para] hindi na tayo kukuha ng seedlings galing sa labas ng Palawan kasi pag kumuha tayo ng seedlings sa labas ng Palawan, isa rin ‘yun sa dahilan o entry point ng ating mga peste [r]ito sa atin sa Palawan,” pahayag ng opisyal.
Dahil napalilibutan ng dagat ang lalawigan napakahalaga rin na mapanatili ang mahigpit na kontrol sa pagpasok ng mga halaman at planting materials mula sa ibang lugar.
Sa ngayon, ang mga puno ng niyog ay nahaharap din sa banta ng peste kaya binigyang-diin na mahalaga rin ang kooperasyon ng komunidad.
“Dito sa atin sa Palawan, ‘yan po ang isa sa iniingatan natin na makapasok ang peste sa Palawan,” dagdag pa ng opisyal.