Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Arestado ang limang mangingisda sa nabanggit na bayan matapos mahuli sa isinagawang seaborne patrol ng mga awtoridad na aktong gumagamit ng compressor fishing.
Sa patuloy na pinalalakas na kampanya ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) laban sa iligal na pamamaraan ng pangingisda, nasakote ang limang mangingisda mula Brgy. Magsaysay, Dumaran, nitong Hulyo 18. Pinangunahan ng Dumaran Municipal Police Station (MPS) ang operasyon katuwang ang 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company at Blue Alliance Defender bandang alas-2:30 ng madaling araw.
Sa operasyon, nasabat ng mga awtoridad ang isang motorized banca na ginagamit ng mga suspek habang nasasagawa ng compressor fishing, na ipinagbabawal sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 2013-304.
Nakumpiska naman mula sa bangka ang isang compressor engine, isang compressor tank, mga hose, diving gear, improvised spearguns, at tinatayang 100 kilo ng iba’t ibang uri ng isda.
Batay sa ulat ng PalPPO, may kabuuang halaga ng P50, 100 ang kabuuang halaga ng nakumpiskang kagamitan at huli. Pansamantalang nasa kustodiya ng Dumaran MPS ang mga naarestong mangingisda para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.