Paggamit ng gadgets sa mga paaralan, limitado
Photo Courtesy: Google
Ni Albert Villamor Jr.
Nililimitahan na ang paggamit ng cellular phones o cellphones at anumang uri ng gadgets kapag oras ng klase o instructional hours sa buong paaralan sa Pilipinas sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Kaysa ipagbawal nang buo, nililimitahan na lang ang paggamit ng mga gadgets sa mga “legitimate educational activities and emergencies” o mga lehitimong aktibidades at emerhensiya.
Ito ay dapat sundin ng lahat ng teaching at non-teaching personnel ng DepEd sa Pilipinas, kabilang ang Dep-Ed Palawan. Nakasaad ang direktibang ito sa DepEd Order (DO) No. 006, series of 2026.
Nilalayon ng bagong polisiya na mabawasan ang classroom distraction, matigil ang bullying, online misconduct, dishonesty, habang nililinang ang digital citizenship at mas tumutuon sa pagkatotoo ang mga mag-aaral.
“Bawal gumamit ng gadgets for social media during class hours, online games, content creation; alam naman natin bawal i-content ang classroom at ang learning system na mayroon tayo, vlogging and similar non-instructional activities during instructional hours. Gagamitin lamang po ang ating phones and gadgets in meritorious cases,” ayon kay Rafael G. Manalo, Assistant Schools Division Superintendent ng DepEd-Palawan, Hulyo 30.
Ilan sa mga meritorious cases ay ang paggamit ng mga gadgets para sa learning resource management system, digital learning resources, virtual activities, at emergencies katulad ng sakuna.
Ang DO No. 006, s. 2026 ay isang “uniformed policy”.