Patay dahil sa kidlat
Ni Rodolfo Idusora
BALIKAN: Nasawi ang 33-anyos na lalaki nang tamaan umano ng malakas na kidlat habang nasa isang kubo malapit sa bakawan sa Purok Kalabanog, Barangay Isumbo, Española, Palawan, bandang alas-3 ng hapon nitong Setyembre 24.
Nakilala ang biktima na si Riken Duyok, binata, at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Teddy Morales, kaanak ng biktima na nakausap ng
Repetek News
, nakita umano nila ang pagdaan ng kidlat mula sa bahagi ng dagat patungo sa bakawan kung saan naroon ang biktima.Sinabi rin ni Morales na sa lakas ng kidlat ay umapoy pa umano ang isang puno ng niyog bago dumiretso ang kuryente sa lugar na kinaroroonan ni Duyok.
“Mahina naman ang ulan at hindi gaanong malakas ang kulog at kidlat nang mangyari ang insidente. Nakita na lamang namin na gumapang ang kidlat mula sa dagat hanggang sa bakawan kung saan naroon ang biktima,” pahayag ni Morales.
Batay sa impormasyon ng pamilya, wala umanong nakitang sugat o paso sa katawan ng biktima. Gayunman, malakas na kuryente mula sa kidlat umano ang tumama sa kanya na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, humihingi ngayon ng tulong pinansyal ang pamilya ni Duyok para sa gastusin sa burol at pagpapalibing.
Ang mga nais tumulong ay maaaring makipag-ugnayan sa
Repetek News
team upang maiparating ang tulong sa pamilya ng biktima. | Photo courtesy: Teddy Morales