Sabungeros, tiklo
Photo Courtesy: PPCPO
Ni Rodolfo Idusora
Kalaboso ang limang wanted persons sa magkakahiwalay na pag-aresto ng pulisya sa magkakasunod na operasyon kaugnay ng kasong illegal cockfighting o iligal na sabong nitong Nobyembre 10 sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ikinasa ang mga pag-aresto ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), batay sa mga warrant of arrest mula sa Municipal Trial Court in Cities, Branch 1.
Kabilang sa mga naaresto ang isang 66-anyos na magsasaka na residente ng Barangay Santa Lourdes, dakong alas-10:15 ng umaga, sa operasyon ng CIDG at City Intelligence Unit.
Sinundan ito ng pag-aresto sa isang 32-anyos na tricycle driver dakong alas-10:22 ng umaga at isang 36-anyos na construction worker dakong alas-10:50 ng umaga sa Purok Pag-Asa, Barangay Macarascas. Parehong residente ng Santa Lourdes ang mga ito.
Dakong alas-11:30 ng umaga, inaresto rin ng CIDG at City Intelligence Unit ang isang 61-anyos na lalaki na residente rin ng nasabing barangay.
Huling naaresto dakong ala-1:55 ng hapon ang isang 67-anyos na lalaki sa Irawan Transport Terminal and Public Market, Barangay Irawan, sa operasyon ng Police Station 2.
Nahaharap ang lima sa paglabag sa Section 1(a)(1) ng Presidential Decree 1602 kaugnay ng iligal na sabong. May inirekomendang piyansang P30,000 para sa bawat isa.
Matapos arestuhin, dinala ang mga ito sa kustodiya ng kani-kanilang operating unit para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.