November 14, 2026
FB_IMG_1794531255279

Photo Courtesy: PalPPO

Ni Samuel Macmac

Sa presinto ang bagsak ng limang wanted na indibidwal, kabilang ang Provincial Top 6 Most Wanted Person, nang madakip ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon.

Kasong Carnapping ang kinakaharap ng suspek na kinilala sa alyas na “Jeff”, 18-anyos, at residente ng Brgy. Decalachao, Coron, na may inirekomendang piyansa na P300,000.00.

Naaresto siya sa pinagsanib na puwersa ng Coron Municipal Police Station (MPS), 4th Platoon ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC), Provincial Intelligence Unit (PIU)-Palawan PPO, at 2nd Special Operations Unit-Maritime Group Coron Sub-Station.

Sa bayan ng Taytay, nahuli ang 26-anyos na mangingisda sa operasyon ng Taytay MPS katuwang ang 401st Manuever Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB). Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 20(e) at 20(g) ng Republic Act No. 7586, na inamyendahan ng Republic Act No. 11038, na may piyansang P36,000 para sa bawat kaso.

Ikinasa rin ang magkahiwalay na operasyon sa Brgy. San Miguel, Linapacan, upang arestuhin ang dalawang mangingisda, na may edad 31 at 33, na kapwa may kasong paglabag sa Provincial Ordinance No. 819, Series of 2005. May itinakda ang korte na piyansang P2,000 para sa bawat isa.

Samantala, kulong ang 37-anyos na mangingisda sa bayan ng Dumaran matapos madakip sa Brgy. Poblacion sa pagtutulungan ng Dumaran MPS, PIU-Palawan PPO, at 2nd Palawan PMFC dahil sa paglabag sa Provincial Ordinance No. 819, na may inirekomendang piyansang P4,000.00.

Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *