Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Nakatakdang maglulunsad ang People’s Republic of China ng Long March 6A at Long March 8A rockets sa mga susunod na araw, batay sa paalala ang Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa ahensiya, ang Long March 6A ay ilulunsad ngayong araw, Huwebes, Hulyo 30, habang ang Long March 8A naman ay sa Agosto 4, taong kasalukuyan. Posibleng may mga bahagi ng rocket o debris na mahulog sa mga itinakdang drop zones sa bansa.
Posibleng bumagsak ang debris ng Long March 8A sa humigit-kumulang 52 nautical miles mula sa Puerto Princesa habang 194 nautical miles mula naman sa Busuanga, at 23 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.
Mahigpit na pinapayuhan ng PCG ang mga mangingisda, bangkero, at iba pang gumagamit ng karagatan na iwasang pumalaot o dumaan sa mga lugar na sakop ng drop zones sa itinakdang oras ng paglulunsad upang maiwasan ang anumang aksidente.
Binigyang-diin din ng coast guard na hindi dapat lapitan, galawin, o pulutin ang anumang kahina-hinalang bagay na maaaring matagpuan sa dagat o sa baybayin, gaya ng mga piraso ng bakal, tubo, o bahagi ng makina. Maaaring ang mga ito ay bahagi ng rocket at posibleng may taglay na mapanganib o nakalalasong sangkap.
Sakaling may makitang pinaghihinalaang rocket debris, hinihikayat ang publiko na agad itong iulat sa pinakamalapit na himpilan ng Philippine Coast Guard o sa lokal na pamahalaan upang agad na maaksyunan.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga kinauukulang ahensya upang mabantayan ang sitwasyon at matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na ng mga nasa karagatan sa panahon ng mga nakatakdang rocket launch.