Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng mga suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.
Patuloy na pinalalakas ang kampanya ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) laban sa mga wanted persons matapos maaresto ang dalawang lalaki na may kinakaharap na mga kaso.
Sa magkahiwalay na operasyon ng kapulisan sa Dumaran at Brooke’s Point, nadakip nitong Hulyo 30 bandang alas-7:00 ng umaga ang isang 42 anyos na residente ng Bgy. Tanatanaon. Ang suspek ay may Bench Warrant na inilabas ni Judge Lucena Dela Cruz Dacuan ng Municipal Circuit Trial Court, Araceli-Dumaran.
Batay sa rekord, nahaharap siya sa kasong Less Serious Physical Injuries sa ilalim ng Article 265 ng Revised Penal Code, na may inirekomendang piyansa na P2,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Makalipas naman ang apat na oras, inaresto naman ang isang 23-anyos na lalaki sa Bgy. Pangolibian, Brooke’s Point. Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilibas ni Judge Norferio Barranco Nono ng Municipal Circuit Trial Court, Brooke’s Point, para sa paglabag sa Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law. Ang kaso ay may katumbas ding piyansa na P2,000.00.
Samantala, ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang operating units para sa dokumentasyon at kaukulang proseso sa korte.