2 ipu-ipo, namataan sa Roxas
Screenshot Photo: Jhoy Misajon
Ni Rodolfo Idusora
Magkasabay na dalawang ipu-ipo o waterspout ang namataan ng mga residente sa Sitio Bayugon, Barangay Tinitian sa nabanggit na bayan pasado alas-8 ng umaga ngayong araw, Miyerkules, Agosto 19.
Ayon kay Jhoy Misajon, isa sa mga residenteng nakasaksi sa pangyayari, tumagal nang tinatayang tatlo hanggang limang minuto ang pag-ikot ng dalawang ipu-ipo.
Namataan ang mga ito malayo sa komunidad na mabuti umano’y hindi nagdulot ng pinsala sa mga kabahayan, kabuhayan, at iba pang ari-arian.
“Mabuti na lamang at malayo ang ipu-ipo sa dalampasigan kaya hindi ito nakapaminsala sa mga residente,” pahayag ni Jhoy sa panayam ng
Repetek News
.Ang ipu-ipo ay mabilis na umiikot na hangin na karaniwang nabubuo kapag may matinding pag-akyat ng mainit na hangin at pagbabago sa kondisyon ng atmospera. Maaari itong lumitaw sa lupa o malapit sa baybayin at karaniwang panandalian lamang.
Hindi lahat ng ipo-ipo ay kasinlakas ng buhawi o tornado. Gayunman, maaari itong magdala ng malalakas na hangin na may kakayahang magpagalaw o magbagsak ng magagaan na bagay.
Sa kasaysayan, matagal nang naitatala ang mga ganitong pangyayari sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas. Dahil tropikal ang bansa at madalas makaranas ng thunderstorms, buhawi at iba pang kondisyon ng pabagu-bagong panahon, maaari ring makakita ng mga lokal na pag-ikot ng hangin gaya ng ipu-ipo.
Pinapayuhan ang mga residente na manatiling alerto kapag may namataang malakas na pag-ikot ng hangin at agad na pumunta sa ligtas na lugar kung lumalapit ito sa mga kabahayan.
Patuloy namang mino-monitor ng mga residente ang lagay ng panahon sa lugar.