Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
NAARESTO ng pulisya sa Bataraza, Palawan, ang dalawang lalaki matapos mahuli sa aktong gumagamit ng hinihinalang shabu, kasunod ng mabilis na pagresponde sa reklamo ng alarm and scandal sa Barangay Marangas.
Dalawang 38-taong gulang na residente ng nasabing barangay ang napasakamay ng pulisya madaling araw nitong Hulyo 3 sa Purok Tagumpay sa pamamagitan ng ikinasang police operation ng mga tauhan ng Bataraza Municipal Police Station (MPS) .
Nakatanggap ng reklamo ang pulisya bandang 2:29 ng madaling araw mula sa isang concerned citizen hinggil sa kaguluhan sa lugar. Agad na rumesponde ang mga operatiba at nang makatating sa pinangyarihan, nakita nila mula sa pintuan ang dalawang lalaki na naghahanda ng drug paraphernalia at shabu.
Agad na dinakip ang mga drug suspek dahil nahuli ang mga ito sa aktong lumalabag sa batas. Iginiit ng mga awtodidad na walang warrant sa nasabing operasyon alinsunod sa in flagrante delicto rule.
Nakumpiska naman ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.080 gramo na may halagang P544.00, tatlong lighter, dalawang improvised tooter, at isang eyeglass case na pinaglalagyan ng paraphernalia.
Ang mga ebidensya ay minarkahan at inimbentaryo sa harap ng mga saksi, alinsunod sa Section 21 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, dinala na sa Bataraza MPS ang ma suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Artcile 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal) at Sections 11 at 12 ng RA 9165.