Photo Courtesy: PRO MIMAROPA
Ni Samuel Macmac
Inilunsad ng Police Regional MIMAROPA ang Project Police-to-Population Ratio (POPULAR) upang bigyan ng personal at mabilis na ugnayan ang bawat pamilya sa kanilang mga pulis.
Pinangunahan ni Regional Director PBGEN Christopher R. Dela Cruz ang paglulunsad Project POPULAR na nakatuon sa pagbibigay ng direktang linya sa bawat pamilya upang mas mabilis na matugunan ang mga pangangailangan sa seguridad at kaayusan.
Sa ilalim ng nasabing proyekto, regular na bibisita ang mga pulis sa mga kabahayan upang ipakilala ang kanilang sarili, magbigay ng payo sa pag-iwas sa krimen, at ibahagi ang kanilang opisyal na contact number.
Layunin nitong mas makilala ng mga residente ang kanilang mga pulis bago pa man magkaroon ng emergency.
Bukod sa pagbibigay ng impormasyon, makikipag-ugnayan din ang mga pulis sa mga opisyales ng barangay, sitio, at purok leaders, at iba pang community stakeholders. Sa ganitong paraan, binigyang-diin ng mga awtoridad na mas mabilis na maipapasa at matutugunan ang mga reklamo at alalahanin ng mga residente.
Samantala, ipinatupad ang programa sa lahat ng provincial, city, at municipal police stations sa MIMAROPA sa tulong ng Regional Community Affairs and Development Division (RCADD). Bahagi rin ito ng F.I.G.H.T.C.R.I.M.E.S. Framework na nakatuon sa paghahatid na mabilis na serbisyo ng pulis para sa publiko.