Photo courtesy:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Malaking karangalan para sa lalawigan ng Palawan ang hatid ng Palaweña fashion designer na si Kimberly Chuachingco, owner ng FabLamour, nang opisyal niyang ilunsad ang kanyang pinakabagong couture collection na “Modern Heiress” sa Asia World Fashion Week 2026 na ginanap sa Okada Manila noong Hulyo 4.
Hindi lamang kagandahan ng mga gown ang ipinamalas sa prestihiyosong fashion event. Ayon kay Kimberly, ang koleksyon ay sumasalamin sa mga pagpapahalagang ipinapamana ng kababaihan tulad ng biyaya, katatagan, pananampalataya, at pagmamahalna nagsisilbing inspirasyon sa bawat henerasyon.
Naging inspirasyon niya sa paglikha ng koleksyon ang kanyang ina, lola, pamilya, mga kapatid, kaibigan, at mga kliyente na aniya’y naging bahagi ng kanyang paglalakbay bilang isang designer.
Mas naging makahulugan ang runway presentation dahil kapuwa mga Palaweña ang nagsilbing models ng kanyang mga likha. Ang kanilang paglahok ay naging simbolo ng pagkakaisa, pagkakaibigan, at pagsuporta ng mga kapwa Palaweño sa isa’t isa sa isa sa pinakamalalaking fashion events sa bansa.
Taglay ng bawat disenyo ang simple ngunit eleganteng istilo na siyang trademark ni Kimberly, alinsunod sa kanyang paniniwalang, “Simplicity is true elegance.”
Nagpaabot naman ng pagbati ang mga tagasuporta ni Kimberly sa kanya at sa mga Palaweñang models na buong pagmamalaking nagdala ng pangalan ng Palawan sa Asia World Fashion Week 2026.