Ni Albert Villamor Jr.
Isiniliwalat ni Board Member Ryan Maminta na walang gumaganang sasakyan ang Department of Migrant Workers (DMW) Office- Palawan ngayong araw ng Martes, Hulyo 7, sa Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.
“Binibisita ko po kayo [r]oon linggu-linggo. Iyong sasakyan n’yo [r]oon ay flat. Wala kayong sasakyan na maaring magdala sa inyong mga operatiba, sa inyong mga staff papunta sa mga lugar kung saan magkakaroon kayo ng advocacy work, implementation ng inyong mandate, at higit sa lahat mapigilan iyong problema at masolosyunan sa pamamagitan ng mga operasyon in coordination with Philippine National Police, Department of Labor and Employment, even PCSD [Palawan Council for Sustainable Development], Bureau of Immigration, other agencies of government na ka-MOA natin doon sa Memorandum of Agreement (MOA),” sambit ni Board Member Maminta kina Hermie Datoc, Carlo Villaflores, at Atty. Abegail Zapanta ng DMW.
“Sino ang mas epektibo? Sila [human traffickers] na puno ng resources, mga sasakyan, at iba’t ibang mga gamit? O kayo sa DMW na walang driver, walang sasakyang gumagana, ‘ni pagsagot sa telepono sinubukan ko rin ay halos hindi makasagot? Nasa Palawan po ang aksyon,” ayon din kay Maminta.
Aminado naman si Hermie Datoc, Labor Attache ng DMW, na may problema ang DMW pagdating sa logistics.
“We acknowledge your observation that in terms of logistics, totoo iyon. Mayroon kaming shortcomings in terms of the logistics because iyong sasakyan natin dito ay matanda na. So I think more than a decade,” ayon sa kanya.
“Ang bawat region kasi ngayon, I think two years ago, we purchased one vehicle per region. Iyan ang mahirap sa mga regional offices namin. Medyo luma na sila, but definitely within this year, naka-purchase na tayo for distribution. I think one vehicle again. It’s up for the RD for his discretion kung saan niya iyan ilagay. We acknowledge na kailangan talaga natin dito sa Palawan ng logistical support lalo na sa vehicle,” dagdag pa ni Datoc.
Isang van ang darating sa DMW Palawan Office ngayong 2026, ayon din kay Datoc.