Ni Albert Villamor Jr.
Ipinanawagan ni Second District Board Member Ryan Maminta na repasuhin ang Provincial Ordinance No. 3717 na nagtatakda ng ₱17 na presyo ng farmgate price ng fresh at wet palay sa lalawigan ng Palawan, dahil sa pagtaas ng production cost nito sa mga magsasaka.
May mga oposisyon man ito, pero kinakailangan daw itong pag-aralan muli dahil sa pagbabago ng panahon.
“Kasi nagbago na rin iyong panahon. At sa pagbabago ng panahon, tumaas iyong gastos ng mga magsasaka sa aking inisyal na mga pag-aaral. Kasi ang [batayan]ko [r]iyan, unang-una, iyong abono. Dati ₱1,1[00]-1,8[00] hanggang ₱2,000 siguro iyan. [N]oong nakaraang taon, [sa] huling bahagi noong cropping noong nakaraang taon, pero ngayon ‘pag pumunta ka sa mga sakahan tapos ikumpara mo iyong gastos nila. Iyong ₱ 2,000 mo na pinakamataas na sigurong abono noong nakaraan, ay ₱ 3,000 na iyan. Hindi na bababa ng ₱ 2,500 hanggang ₱ 3,000.,” sambit ni Maminta sa panayam ng Midya noong Hulyo 7.
“May taas na gastos doon sa parte ng mga magsasaka. At kung kailangang repasuhin, i-review iyong ₱17 para maiangat nang kaunti o makasapat doon at kumita iyong mga magsasaka, dahil ito’y umiiral na provincial ordinance, isiniwalat kanina natin iyan dito sa privilege hour para mai-refer sa committee at bago pa iyong anihan sa mga susunod na buwan, ay mayroon na tayong lokal na panuntunan kung papaano tayo makakatulong sa magsasaka pagdating doon sa pagpipresyo ng kanilang mga ani sa mga susunod na mga buwan,” dagdag pa niya.
Hindi [r]aw dapat matapos ang buwan ng Hulyo nang walang napagkakasunduan sa kanyang panawagan.
“Ang target natin dito, balanseng presyo na makatarungan, at higit sa lahat, maka[tu]tulong sa pangkalahatang galaw nung ating food supply chain pagdating sa rice dito sa lalawigan ng Palawan,” ayon kay Maminta.
Tatalakayin ang kanyang panawagan sa pagrepaso ng Committee on Agriculture and Fisheries ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan (SP-Palawan). Iimbitahin dito ang Provincial Agriculture Office, Department of Agriculture, mga magsasaka, irrigators association, at municipal agriculture officers ng Palawan.
Pinanawagan na rin ni Maminta ang Provincial Agriculture Office na alamin na ang aktuwal na presyo ng production cost ng mga magsasaka sa fresh at wet palay, bago pa magsimula ang pagrepaso.