Photo courtesy: PIA Mimaropa
Ni Ferds Cuario
Magbibigay ng pabuya ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) sa sinumang makapaghuhuli o makapagtuturo sa mga responsable sa sunud-sunod na pagnanakaw ng mga water meter sa Barangay San Jose.
Ayon sa ahensiya, tatlong magkakahiwalay na insidente ng pagnanakaw ang naitala nitong mga nakalipas na araw sa Kasoy Street, Tambis Road, at Caimito Street.
Dahil sa insidente, nawalan ng suplay ng tubig ang ilang konsyumer at naapektuhan din ang operasyon ng water district.
Mariing kinondena ng PPCWD ang naturang mga pagnanakaw at binigyang-diin na ito ay paglabag sa Republic Act No. 8041 o National Water Crisis Act of 1995. Nakasaad sa batas na ipinagbabawal ang pagnanakaw o iligal na pagkuha ng water meter, main line, tubo, at iba pang pasilidad ng water utility.
Ang sinumang mapatutunayang sangkot ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagmultahin alinsunod sa batas.
Bilang tugon, nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng PPCWD sa Barangay San Jose upang hilingin ang mas pinaigting na mobile patrol mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga upang mapigilan ang mga kahalintulad na insidente.
Nanawagan din ang PPCWD sa publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, barangay, o sa tanggapan ng PPCWD ang anumang kahina-hinalang kilos na may kaugnayan sa pagnanakaw ng mga water meter at iba pang pasilidad ng water district.