Photo:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Pinasinayaan na ang bagong City Engineering at Architecture Building sa Barangay Sta. Monica nitong nakalipas na Martes, Hulyo 7.
Mahigpit na pinaalalala ni City Mayor Lucilo R. Bayron sa mga engineer at architect ng lungsod na personal na bantayan ang bawat proyektong kanilang ipinapatupad.
”Kung may proyekto kayo, siguraduhin ninyong nandoon kayo. Bantayan ninyo nang maayos,” diin ni Mayor Bayron sa kanyang mensahe.
Saklaw ng proyekto ang Phase II ng City Engineering and Architecture Building, kabilang ang concreting ng access road at paglalagay ng office fixtures at furniture upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng City Engineering Office sa pagpaplano, pagdidisenyo, at pangangasiwa ng mga proyektong pang-imprastraktura ng lungsod.
Ayon kay Bayron, ang bagong gusali ay pagkilala sa mahalagang papel ng City Engineering Office sa pagpapatupad ng mga imprastraktura na nagsisilbi sa mga Puerto Princesan.
Aniya, itinayo ang gusali bilang pagkilala sa dedikasyon ng mga engineer at architect ng lungsod at upang lalo pang mahikayat ang mga ito na pagbutihin ang kanilang trabaho at tiyaking dekalidad ang bawat proyektong ipinagkakatiwala sa kanila.
Nagpasalamat naman sina City Engineer Aries Grande at City Architect Honesto Teves sa patuloy na suporta ng alkalde sa kanilang tanggapan.
Ayon sa dalawa, malaking tulong ang bagong gusali sa pagpapalakas ng kakayahan ng kanilang mga kawani sa pagpaplano, pagdidisenyo, at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura, kasabay ng pangakong patuloy na maghatid ng mahusay at episyenteng serbisyo para sa kapakinabangan ng mga Puerto Princesan.