October 2, 2026

PABUYA VS. SUSPEK SA PAGNANAKAW NG WATER METER‎

FB_IMG_1783741148278

Photo courtesy: PIA Mimaropa

Ni Ferds Cuario


‎Magbibigay ng pabuya ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) sa sinumang makapaghuhuli o makapagtuturo sa mga responsable sa sunud-sunod na pagnanakaw ng mga water meter sa Barangay San Jose.
‎
‎Ayon sa ahensiya, tatlong magkakahiwalay na insidente ng pagnanakaw ang naitala nitong mga nakalipas na araw sa Kasoy Street, Tambis Road, at Caimito Street.
‎
‎Dahil sa insidente, nawalan ng suplay ng tubig ang ilang konsyumer at naapektuhan din ang operasyon ng water district.
‎
‎Mariing kinondena ng PPCWD ang naturang mga pagnanakaw at binigyang-diin na ito ay paglabag sa Republic Act No. 8041 o National Water Crisis Act of 1995. Nakasaad sa batas na ipinagbabawal ang pagnanakaw o iligal na pagkuha ng water meter, main line, tubo, at iba pang pasilidad ng water utility.
‎
‎Ang sinumang mapatutunayang sangkot ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagmultahin alinsunod sa batas.
‎
‎Bilang tugon, nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng PPCWD sa Barangay San Jose upang hilingin ang mas pinaigting na mobile patrol mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga upang mapigilan ang mga kahalintulad na insidente.
‎
‎Nanawagan din ang PPCWD sa publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, barangay, o sa tanggapan ng PPCWD ang anumang kahina-hinalang kilos na may kaugnayan sa pagnanakaw ng mga water meter at iba pang pasilidad ng water district.

Author