Photo courtesy: PDEA
Ni Rodolfo Idusora
Naaresto ang isang 32-anyos na babae makaraang isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan sa Barangay San Miguel, Lungsod ng Puerto Princesa nitong gabi ng Miyerkules, Hulyo 8.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Byer,” na residente ng Wescom Road, nabanggit na barangay.
Ayon sa ahensiya, nagsagawa sila ng operasyon matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y pagbebenta ng iligal na droga sa lugar. Sa operasyon, nakabili umano ang poseur-buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa suspek sa halagang ₱3,500.
Matapos ang bentahan, agad na inaresto ng mga operatiba ang suspek. Narekober din umano ang isang pouch na pinaniniwalaang pagmamay-ari niya. Sa loob nito ay natagpuan ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu at isang rolyo ng tissue na may nakatagong dalawa pang pakete ng hinihinalang shabu.
Isinailalim sa dokumentasyon at imbentaryo ang mga nakuhang ebidensya alinsunod sa umiiral na proseso bago dinala ang mga ito para sa kaukulang pagsusuri sa laboratoryo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
𝗘𝗱𝗶𝘁𝗼𝗿’𝘀 𝗡𝗼𝘁𝗲: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.