Photo:
Repetek News
Ni Samuel Macmac
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang responsable sa kumalat sa social media na umano’y banta ng pambobomba sa ilang paaralan sa Sta. Lucia, Occidental Mindoro.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang Sablayan Municipal Police Station (MPS) bandang alas-8:00 ng gabi nitong Hulyo 13 mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y bomb threat. Agad na kumilos ang mga tauhan ng istasyon sa pamumuno ni PLT John Laurence G. Soria, kasama ang 405th B MC ng Regional Mobile Force Battalion (RMFC) upang magsagawa ng inspeksyon.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumabas na ang pinagmulan ng takot ay isang Messenger account na gumagamit ng pangalang “Ikaw Bahala.” Ikinalat ‘diumano ng nasabing account ang mensahe sa group chats ng mga estudyante, naglalaman ng pagbabanta ng pambobomba at pananakit na umano’y magaganap sa Hulyo 15, 2026.
Bagaman walang natagpuang ebidensya sa isinagawang inspeksyon, nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Regional Anti-Cyber Crime Unit (RACU) upang matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng nasa likod ng naturang account.
Target ng imbestigasyon na mapanagot ang sinumang nagpapakalat ng maling impormasyon at nagdudulot ng pangamba sa mga residente.